Mga mananaliksik:
Pierre Bulayungan
Michael Cheng
Erika Largo begin_of_the_skype_highlighting end_of_the_skype_highlighting
Ester Pacaoan
1KAM
Kolehiyo ng Komersiyo, UST
I. Introduksyon sa paksa na tatalakayin
Panukalang Pahayag
Kalabaw lang at taong masipag ay sapat na upang maiahon ang isang lugmok na bansa.
Suliranin ng Pananaliksik
Ang pananaliksik na ito ay tungkol sa pagsasaka at epekto nito sa ekonomiya. Nais ng mga mananaliksik na malaman kung uunlad ang mga agrikulturang bansa batay sa mga kasangkapan sa pagsasaka. Sapat nga ba na gumamit lang ng kalabaw at iba pang mga teknolohiya ang magsasaka? O baka naman kailangan din samahan ng makabagong kagamitan? Paano mapagtutuunan ng pansin ang pagsasaka nang sa gayo’y maging pundasyon ito sa pagpapaangat ng bansa? Anu-ano ang mga hamong kinakaharap sa larangan ng pagsasaka? Ito ay ilan sa mga katanungan na sasagutin ng pananaliksik para makatulong sa pagpapayaman ng agrikultura.
Rebyu/Pagaaral
Nakahanap ang mga mananaliksik ng ilang artikulong may kinalaman sa paksa. Mula sa pahayagan ng Pilipino Star Ngayon na may pamagat na ”Agrikultura Planong Buhayin ni Bro. Eddie”. Nailathala doon na sinabi ni Bro. Eddie Villanueva, standard bearer ng Bangon Pilipinas, na ang bansang Pilipinas ay napakayaman sa likas na yaman kung saan nakahihigit ito kumpara sa pinagsama-samang kayamanang likas ng Singapore, Brunei, Vietnam at iba pang bansa sa Timog Silangang Asya kaya nakapagtataka na nangungulelat ngayon ang bansa at umaangkat pa ng pagkain.
Ang artikulong ”Bakit bigas? At hindi tinapay, patatas, mais, kamote, o pasta?” na makikita sa http://www.onephil.com/box2.htm ay tungkol sa bigas na siyang pangunahing pagkain sa Pilipinas. May kinalaman ito sa pag-aaral ng mga mananaliksik sapagkat ang bigas ang karamihang sinasaka dito sa bansa. Nabanggit sa artikulo na kaya pala kanin ay dahil walang tanim na trigo o ”wheat” sa Pilipinas. Mainit ang Pilipinas para makapagtanim ng trigo. Kailangan pang umangkat mula sa ibang bansa para makakuha ng harina. Pipiliin pa rin ng mga Pilipino ang kanin kaysa tinapay, patatas, mais, kamote, o pasta dahil ang mga huling nabanggit ay pawang mahal kumpara sa halaga ng bigas. Sinabi rin sa artikulo na ang bigas ay nasa dugo na ng mga Pilipino.
Ang isa pang artikulo ay nahanap sa pahayagan ng The Philippine Star sa seksiyon ng Business Agriculture/Environment. May pamagat na “Farm Group Bats for Higher DA Budget”. Ito ay tungkol sa grupo ng mga magsasaka na nananawagan sa gobyerno na taasan ang pondo ng Department of Agriculture nang sa gayo’y makabili ito ng maraming punla, pataba, at mga pasilidad sa irigasyon. May kinalaman ito sa isinasagawang pananaliksik sapagkat ang nabanggit na artikulo ay papasok sa suliranin sa pagsasaka na itatalakay sa mga susunod na kabanata.
Ang librong “Teaching Vocational Agriculture in the Philippines” pinatnugutan nina Dolores P. Barile, Harold R. Cushman, Severino R. Santos Jr. ay tungkol sa agrikultura ng Pilipinas at sinasabi na sa pamamagitan ng tamang edukasyon ng mga magsasaka ay mapapaunlad ang agrikultura. Sa tingin ng mga mananaliksik ay makatutulong ang librong ito lalo pa’t ang magsasaka sa kasalukuyan ay maaaring kulang sa edukasyon.
Ang aklat na “ Advances and Challenges in Hybrid Rice Technology in the Philippines” ng Department of Agriculture-Philippine Rice Research Institute ay tumatalakay sa mga suliranin ng pagsasaka, mga programa, at inilulunsad na mga teknolohiya sa pagpaparami ng bigas. Malaking tulong ito sa isasagawang pananaliksik dahil isa sa mga layunin ay matalakay ang mga suliranin sa pagsasaka.
Ang librong ”Philippine Rice R&D Highlights 1993” ng Philippine Rice Research Institute ay tungkol sa pag-aaral kung paano mapapabuti ang pagsasaka. Nagbanggit dito ng ilang mga teknolohiya para mapabilis ang produksiyon. Natalakay din dito kung ano ang mga kahinaan ng paggamit ng mga pesticides o insecticides. May kinalaman ito sa pag-aaral ng pananaliksik dahil itatalakay sa susunod pang kabanata ang mga epekto ng paggamit nito.
Ang aklat na ”The Philippines: A Unique Nation” ni Dr. Sonia M. Zaide, ay tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas. Makatutulong ito sapagkat dito hahanapin ang heograpiya ng Pilipinas at kung bakit may pagsasaka sa bansa.
Ang librong ”Kamtin ang Agrikulturang MakaMASA” ng Agriculture & Fisheries Information Division ay tungkol sa mga makalumang kagamitan at pamamaraan sa pagsasaka na maaaring gamitin para makatipid. Malaking tulong ito sapagkat dito nakabatay ang pananaliksik.
Ang aklat na ”Contribution to Philippine Agricultural Modernization” pinatnugutan nina Liborio S. Cabanilla, Mario G. Andrada, at Liberty O. Inciong na inilathala ng Fulbright-Philippine Agriculture Alumni Association ay tungkol sa kalagayan ng agrikultura at ang bilang ng produksiyon nito. Inilahad sa aklat ang porsyento ng napoprodyus na bigas noon pang mga nakaraang taon.
Layunin
Tiyak na Layunin
-
Magbigay kaalaman tungkol sa pagsasaka at kung paano ito isinasagawa.
-
Malaman ang papel na ginagampanan ng pagsasaka sa pamamalakad ng bansa.
-
Mailahad ang mga epekto ng paggamit ng kalabaw at iba pang makalumang kagamitan sa pagsasaka.
-
Matalakay ang mga suliranin sa pagsasaka.
-
Makahanap ng solusyon sa isang problemang pangsaka.
-
Maipakita na kayang umunlad ng bansa kung bibigyan pansin ang agrikultura.
Pangkalahatang Layunin
-
Makatulong sa larangan ng pagsasaka
-
Makaambag sa pag-unlad ng bansa
Kahalagahan
Hindi na gaanong nabibigyang pansin ang pagsasaka ngunit nakikita ng mga mananaliksik na ang pagsasaka ay maaaring isa sa mga paraan para umangat ang Pilipinas. Kapag may nakabasa ng nasabing pananaliksik, maiisip ng taong iyon na bakit nga ba hindi pinagtutuunan ng pansin ng gobyerno ang sektor ng agrikultura kung saan mayroon ang Pilipinas? Ang pag-aaral ay para rin sa mga mamamayang Pilipino na naghihirap dahil sa naaapektuhan ng mataas na presyo ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng tubig, kuryente, at pagkain. At higit sa lahat, ito ay para sa mga mamamayang Pilipino upang maiwasan nilang masayang ang mga produktong pangagrikultura na bunga ng sakripisyo, pawis, at dugo ng mga magsasaka.
Metodolohiya
Ang paraan ng pananaliksik na isasagawa ng mga mananaliksik ay sa pamamagitan ng pagkalap ng mga impormasyon na matatagpuan sa silid aklatan ng Unibersidad ng Santo Tomas. Hahanap ang mga mananaliksik ng mga datos sa mga libro, journals, at internet. Ang mga sanggunian ay magsisilbing gabay sa pag-aaral.
Saklaw o Delimitasyon
Ang pag-aaral na ito ay tumatalakay sa pagsasaka ng palay sa Pilipinas. Pinili ng mga mananaliksik na magbatay sa silid aralan ng Unibersidad ng Santo Tomas dahil sa kakulangan ng panahon para makapanayam ng mga magsasaka, at mga ahensiyang tagapangasiwa rito. Ang sakop ng pag-aaral na ito ay ang mga proseso ng pagsasaka, mga kagamitan, panahon, produksyon ng bigas, kahalagahan ng pagsasaka sa ekonomiya, at mga balakid sa pagsasaka. Ang mga ito ay saklaw ng pag-aaral sapagkat nais ng mga mananaliksik na maibahagi ang mga pangunahing kaalaman at mahalagang impormasyon ukol sa pagsasaka. Samantalang hindi nito sakop ang iba pang gawain sa agrikultura gaya ng paghahayupan at pangingisda sa dahilang mas lalalim pa ang pananaliksik.
Daloy ng Pananaliksik
Ang pag-aaral ay may tatlong kabanata. Ang unang kabanata ay tungkol sa pagsasaka sa Pilipinas. Dito itatalakay ang heograpiya ng Pilipinas, kahulugan ng pagsasaka, kasaysayan, mga kagamitan, pagsasagawa at kahalagahan nito sa ekonomiya. Sa ikalawang kabanata ang presentasyon ng datos. Dito matatagpuan ang mga balakid na kinakaharap ng magsasaka at ang mga nilatag na mga sagot ukol dito. Kasama rin na matatagpuan sa ikalawang kabanata ang interpretasyon sa mga nakalap na datos. Nakapaloob naman sa ikatlong kabanata ang kongklusyon at suhestiyon para sa nasabing paksa.
II. Aktuwal na Pananaliksik
Paglalahad ng Paksa
Ang librong “Teaching Vocational Agriculture in the Philippines” pinatnugutan nina Dolores P. Barile, Harold R. Cushman, Severino R. Santos Jr., ang Pilipinas ay pinagkalooban ng likas na yaman tulad ng mga bundok, lambak, burol at kapatagan. Mayroon itong klimang tropical na angkop sa pagpapalaki hindi lang ng hayop kundi pati rin mga halaman. Ang tag-init ay nagtatagal mula Marso hanggang Hunyo samantalang ang tag-ulan ay mula Hulyo hanggang Oktubre. Ang lupa sa Pilipinas ay mataba at sagana rin ito sa manggagawa na kung saan patuloy itong dumarami kada taon.
Ano nga ba ang pagsasaka? Ayon sa ”Standard Comprehensive International Dictionary”, ang pagsasaka ay pagbubungkal ng lupa at pagtatanim ng mga buto sa isang malawak na bukirin. Ang manggagawa rito ay ang mga magsasaka.
Ayon sa librong ” A Comprehensive History of Irrigation in the Philippines” ng National Irrigation Administration, ang mga sinaunang naninirahan sa Pilipinas ay sumabak sa iridong paraan ng pagsasaka. Ayon kay Robert B. Fox, naging pinuno sa Anthropology Division of the National Museum of the Philippines sa loob ng maraming taon, sinimulang isagawa ang pagsasaka noong Neolithic Age o panahon ng Bagong Bato. Ayon sa mga dalubhasa sa kasaysayan ng pagsasaka, noong 1500 B.C. ay dumating ang unang mandarayuhan at ito ay kilala bilang proto-Malays. Ayon pa rin sa nasabing aklat, ang mga mandarayuhang ito ay mga rice eaters. Nagmula ang mga mandarayuhan sa bansang Timog Tsina, Indotsina, at Formosa. Nanirahan ang mga proto-Malays sa baybaying dagat ng Hilagang Luzon. Nagawang mapaalis ng mga bagong dating ang mga proto-Malays. Malays ang tawag doon sa mga bagong dating. Ilan sa proto-Malays ay nanirahan na lang sa hanay ng Sierra Madre. Sinasabing ang unang mandarayuhan sa bansa ang siya ring nagtayo ng unang hagdan hagdang palayan na matatagpuan sa Hilagang Luzon.
Mula sa aklat na ”Kamtin ang Agrikulturang MakaMASA” ng Agriculture & Fisheries Information Division, ang mga kailangan at karaniwang ginagamit sa pagsasaka ay matabang lupa, isang bag na binhi ng palay para sa isang ektaryang lupa, patubig na may dalawa hanggang tatlong sentimetrong lalim, abonong di organiko, pamatay-damo, insecticides, karit gamit sa paggapas ng palay, makinang may sariling blower at cleaner (treshing machine) para sa paggiik, makinang tuyuan ng palay, village rice mill at makinang pang-araro.
Paano isinasagawa ang pagsasaka? Inilathala sa Philippine Daily Inquirer, noong Abril 19, 2008 ang salaysay ni Mang Piring, limampu’t walong taong gulang at mahigit tatlumpung taon nang inaasarol ang kanyang isang ektaryang lupa sa Villa Cuizon.
Ayon kay Mang Piring, hindi biro ang pagsasaka. Kailangan munang bumili ng mga binhi mula sa tindahan ng mga buto ng bigas. Nang magpalabas na ng irigasyon sa kanyang sakahan, kinuha bilang trabahador ang kapitbahay niyang mayroong hand tractor. Ang hand tractor ay isang makina na nag-aararo ng maliit na bahagi ng sakahan para taniman ng mga buto ng bigas. Habang pinahihinog ang binhi, kailangan inaararo na ang sakahan para kapag nahinog na ang mga buto ay madali na itong maililibing. Dukit ang tawag sa pag-aararo gamit ang kalabaw at pang-araro na hindi abot ng hand tractor dahil sa dike o mga harang na itinayo para maiwasan ang pagbaha sa sakahan. Nang mahinog na ang mga buto, agad na naghanap si Mang Piring ng mga mambubunot ng punla. Sila ang mga tagapagtanim ng mga buto sa maliit na bahagi ng sakahan. Pagkatapos niyon, kumuha naman ng dalawampu’t limang manananim para tuluyan nang mailipat sa malaking bahagi ng sakahan ang mga nagsitubong binhi. Sabi ni Mang Piring na ang pagsasaka ay nangangailangan ng pampataba, irigasyon, panghuli para sa mga dagang bukid, inspeksyon, at tamang pamamahala nang sa gayon ay maging maganda ang kalalabasan kapag mag-aani na.
Mula pa rin sa aklat na ” Kamtin ang Agrikulturang MakaMASA” ng Agriculture & Fisheries Information Division, ang pag-aani ay ang pagtitipon ng mga bunga ng pananim. Para sa palay, ito ay tumutukoy sa pagkolekta ng tangkay na kasama ang mga uhay (paggapas). Sa pag-aani, kailangang kalkuhin ang tamang panahon ng pag-aani upang makatiyak ng mataas na kalidad ng binhi, mataas ng presyo ng palay sa pamilihan at maraming mamimiling magkakagusto sa bigas. Nangangailangan ng 60-80 oras-tao upang maani ang isang ektarya at 40 oras-tao upang maikamada ang mga naaning palay. Pagkatapos mag-ani, giikan agad ang palay. Ang paggiik ay ang paghiwalay ng butil sa uhay. Matapos maggiik, linisin agad ang palay upang maging maayos ang pagiimbak at paggiling nito. Ang maruming palay na naiimbak ay mas madaling masira. Sa panahon ng pag-aani, ang palay ay may 20-50% halumigmig. Kung ito ay iimbakin, kailangang 14% lamang ang halumigmig ng butil. Pinatutuyo ang palay upang mabawasan ang halumigmig. Sa paraang ito, mababawasan ang pagkasira ng butil dahil sa peste o amag. Matapos mapatuyo ang palay, imbakin ito nang mahusay kung hindi agad ibebenta. Ang mahusay na pag-iimbak ay yaong naaalagaan ang inani mula sa masamang panahon, peste, maliit na uod, hindi mainam na amoy, halumigmig at iba pang uri ng dumi. Pagkatapos magpatuyo, isinusunod na ang paggiling. Ang paggiling ay paraan ng paghihiwalay ng butil sa ipa upang makuha ang puting bigas. Ang magandang butil ng palay ay may 22% ipa, 6% darak, at 72% giling na bigas.
Ayon sa http://www.scribd.com/doc,11554196.Mga-Sektor-Ng-Ekonomiya-Agrikultura, mahalaga ang pagsasaka dahil nakapaghahatid ito ng dolyar sa pamamagitan ng mga produktong iniluluwas sa iba’t ibang panig ng daigdig, dito nagmumula ang pagkain ng lipunan, napakikinabangan ang malaking ektarya ng lupain sa Pilipinas, at nakatutulong pa ito sa iba pang sektor ng ekonomiya tulad ng pagmamanupaktura at kalakalan.
Ayon kay William D. Dar, dating kalihim ng Department of Agriculture, ang palay ang pinakamahalagang produkto para sa mga Pilipino sapagkat ito ang pangunahing pagkain. Mapalad ang Pilipinas sa pagkakaroon ng mga lupaing angkop sa naturang produkto. Sa kabila ng pagkakaroon ng bansa ng masipag na mga magsasaka at lupang bubungkalin, kinakailangang magkaroon ang bansa ng teknolohiya na maging gabay sa pagpapaunlad ng produksyon. Malaki ang paniniwala na ang nakapaloob na teknolohiya kapag tinambalan ng sipag at tiyaga ng mga magsasaka ay tuluyang magpapasulong sa produksyon ng palay sa bansa.
Presentasyon ng Datos
Ang aklat na ”Contribution to Philippine Agricultural Modernization” pinatnugutan nina Liborio S. Cabanilla, Mario G. Andrada, at Liberty O. Inciong, ang bigas at mais ay mga produktong malaki ang naitutulong sa agrikultura ng Pilipinas. Batay pa rin sa nasabing libro, nitong huling sampung taon ay mahigit kapat na Gross Value Added (GVA) ang nadagdag sa agrikultura mula sa mga nabanggit na produkto. At sinasabing mahigit 50% ng mga taniman ay pawang mga palay at mais. Ipinapalagay na “political crops” ang bigas at mais dahil dito ibabatay ang pagpapaunlad ng agrikultura. Ngunit sa kabila ng malaking kontribusyon ng political crops, wala pa rin nabago sa estado ng agrikultura. Ang pagluluwas ng mga kalakal sa ibang bansa ay hindi pa rin gaanong lumawak. Sa katunayan, ang kalagayan ng agrikultura ay hindi impresib. Mula sa taong 1982 hanggang 1999, ang average annual growth rate ng Gross Domestic Product ay 1.2%. Mas mababa kumpara sa, halimbawa, 3% na iniunlad ng bansang Thailand sa parehong taon (1982-1999). Nabanggit na ang Pilipinas na dating net exporter ngunit ngayon ay isa nang net importer. Ang mga bansang Thailand, Vietnam, at USA ay mga pangunahing pinag-aangkatan ng bigas.
Anu-ano nga ba ang suliranin na kinakaharap ng pagsasaka? Ayon kay Dr. Santiago R. Obien, Executive Director ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice), ang pagsasaka ay nahaharap sa apat na suliranin. Una, mas mataas ang bilang ng populasyon. Kapag marami ang populasyon, malaki ang kakailanganin na bigas para sa lipunan. Pangalawa, urbanisasyon, industriyalisasyon at pagkasira ng mga bukirin na nakapagpabawas ng ektarya mula 3.8 milyong ektarya (1975) hanggang 3.2 milyong ektarya (kasalukuyan). Pangatlo, hindi pa rin sapat para makagawa ng bigas sa kabila ng mga isinasagawang pananaliksik. Panghuli, ang pag-angkat ng bigas. Ito ay nakagawian na lalo na sa panahon ng kakulangan sa bigas. Hindi ito magandang stratehiya sapagkat mahal ang presyo ng bigas sa pandaigdigang pamilihan.
Batay naman sa http://www.scribd.com/doc/11554196/Mga-Sektor-Ng-Ekonomiya-Agrikultura, inilahad ang iba pang suliranin sa pagsasaka. Una, mataas na gastusin sa pagsasaka. Malaking hinaing ng mga magsasaka ang patuloy na pagtaas ng halaga ng gastusin sa pagtatanim. Kabilang dito ang renta sa lupa, abono, patubig, pestisidyo, renta sa mga kagamitan sa pagsasaka, sasakyan para sa transportasyon patungong pamilihan at iba pa. Pangalawa, problema sa imprastraktura. Kalunos-lunos din ang kalagayan ng mga imprastraktura sa sektor ng agrikultura sa maraming liblib na lugar sa Pilipinas. Inirereklamo ng maraming magsasaka ang kaulangan ng mga daan o farm to market roads. Pangatlo, problema sa kapital. Marami sa mga magsasaka ang napipilitang umasa sa sistema ng pautang. Bunga ng kawalan ng kapital sila ay nahihikayat lumapit sa mga taong nagpapautang. Ang mga nagpapautang ay tinatawag ding Loan Sharks o 5/6 dahil nagpapautang sila ng pera na may malaking tubo. Ikaapat, masamang panahon. Banta sa sektor ng agrikultura ang matagal at mapaminsalang panahon ng tagtuyot at tag-ulan na sumasalanta sa bansa. Ang El Niño, La Niña, at mga bagyong dumarating sa bansa ay mga halimbawa ng pabagu-bagong panahon na nakakaapekto sa sektor ng agrikultura. Panglima, pagdagsa ng mga dayuhang kalakal. Ang pagbukas ng Pilipinas sa kalakalang panlabas at ang pagsali nito sa pandaigdigang samahan tulad ng World Trade Organization (WTO) ay may epekto rin sa mga magsasaka at sa sektor ng agrikultura. Ang pagdagsa ng mga dayuhang produkto ay nagbunsod ng pagbabago sa panlasa ng mga Pilipino. Ikaanim, maliit na pondong laan para sa pananaliksik at makabagong teknolohiya. Sa pagsusuri ng ekonomiya ng Pilipinas, ang sektor ng agrikultura ay natatangi dahil ang malaking bilang ng mga Pilipino ay dito nakasalalay ang kabuhayan. Pampito, monopolyo sa pagmamay-ari ng lupa. Pangarap ng bawat magsasaka na magkaroon ng sariling lupa. Karamihan ng mga pag-aalsang naganap sa bansa ay may kinalaman sa tunggalian sa pagmamay-ari ng lupa.
Paano maitataas ang produksiyon ng bigas? Batay sa aklat na “Advances and Challenges in Hybrid Rice Technology in the Philippines” ng Department of Agriculture-Philippine Rice Research Institute, ang Department of Agriculture ay isinasakatuparan ang Gintong Ani Program. Nagsimula itong ipatupad noong administrasyon pa ni dating pangulong Joseph Ejercito Estrada. Layunin ng programa na matutong gumamit ng makabagong antas ng teknolohiya ang mga magsasaka at mapaunlad pa ang produksiyon ng bigas. Ang bubuo sa Gintong Ani Program ay walang iba kundi ang hybrid rice technology. Pinili ang teknolohiyang ito ng Department of Agriculture noong 1998 ng Enero. Ang Gintong Ani Program ay gagamit ng hybrid rice technology bilang daan sa pagpapataas ng produksiyon ng bigas, productivity ng magsasaka, at pakikipagkumpetensiya. Inilatag ang programa para mabawasan ang mga masamang epekto ng El Niño at maabot ang katiwasayan sa pagkain. Binigyang pokus ng national hybrid rice program ang labing isang probinsiya na may pinakamalaking produksiyon at pinakaangkop na kaligiran. Ang mga ito ay Cagayan, Isabela, Nueva Ecija, Camarines Sur, Bohol, Iloilo, Davao del Norte, Davao del Sur, Davao Oriental, Maguindanao, Lanao del Norte. Sa katunayan ay naipamalas na ang kaigihan ng teknolohiyang ito noong 1998 na kung saan dumanas ang Pilipinas ng El Niño. Sinabi sa aklat na posibleng maitaas ang produksiyon ng lampas isang tonelada sa bawat ektarya kung gagamit ng hybrid rice technology kahit na tuyot at kaunti ang lupa o di kaya’y pataas ng pataas ang populasyon. Hindi lang naman Pilipinas ang gumagamit nito maging ang bansang India, Vietnam, Bangladesh, Myanmar, at China ay nakikinabang. Ang kalakasan ng hybrid rice technology ay lalaki ang sahod ng mga magsasaka, kikita rin ng mas malaki ang mga tindahan ng binhi, maraming magsasaka ang magkakaroon ng trabaho, mabibigyang kapangyarihan din ang mga babaing magsasaka.
Ngunit isa sa mga suliranin na nabanggit kanina ay mataas na gastusin sa pagsasaka. Sa papaanong paraan kaya maisusulong ang produksiyon nang hindi gumagastos ng malaki o gumagamit ng teknolohiya? Ang suliraning ito ang bibigyang pokus ng mga mananaliksik gamit ang mga nakalap na sanggunian.
Batay sa aklat na “Kamtin ang Agrikulturang MakaMASA” ng Agriculture & Fisheries Information Division (AFID), upang makamtan ang masaganang ani, kinakailangang pagtuunan ng pansin ang pangangasiwa sa sustansiya ng lupa. Ang sumusunod ay ilang pamamaraan sa pangangasiwa sa sustansiya ng lupa:
1. Paggamit ng abono (pataba)
2. Paggamit ng angkop na binhi
3. Mabuting pangangasiwa sa tubig (irigasyon)
4. Pagsugpo sa damo
5. Pagpapalit-palit ng mga pananim
6. Pagtantiya sa katabaan ng lupa at aanihin
Sinabi sa aklat na mayroong dalawang uri ng abono, ang di-organiko at organiko. Sa halip na gumamit ng di organikong abono ay mas mainam na gumamit ng organikong abono. Ang abonong organiko ay yaong nagmumula sa mga materyales sa bukid kagaya ng azolla, sesbania, dayami, dahon ng ipil-ipil, dumi ng hayop at iba pa. Ang lahat ng mga pataba ay nagtataglay ng mahalagang sustansiya na kailangan ng palay. Kalimitang inihahalo ang mga ito sa lupa. Kung minsan hindi sapat ang sustansiyang taglay ng lupa kaya kailangang maglagay ng pataba. Ang pinakamahalagang mineral na kailangan ng palay ay nitrogen (N), posphorous (P), potassium (K). Hindi dapat mawawala ang mga mineral na ito upang magpatuloy ang likas na paglago ng halaman. Makatitipid sa gastos ang magsasaka sa pamamagitan ng wastong paggamit ng abonong organiko. Isa pa, ang mga patabang organiko ay mas maraming taglay na NPK (nitroheno, posporo, potasyo) kaysa di-organiko.
Ayon sa librong “Philippine Rice R&D Highlights 1998” ng Philippine Rice Research Institute, ang pestisidyo ay nakapagpapabawas ng mga peste ng palay ngunit makalipas ng pitong araw ay muli na naman itong babalik sa bukirin. Kaya naman ayon sa librong “Kamtin ang Agrikulturang MakaMASA” ng Agriculture & Fisheries Information Division, ang patuloy na pagtaas ng halaga ng mga pestisidyo at ng pinsalang dulot nito sa mga tao, hayop, at kapaligiran ay nangangailangan ng isang pinagsama-samang pamamaraan sa pagpuksa ng mga peste. Ang Department of Agriculture Special Order 495, serye ng 1987 at ang ibinaba na Memorandum Order No. 126 noong Mayo 1993 ang nagpapatunay na pinagtibay ng pamahalaan ang Integrated Pest Management (IPM) o pinagsamang pamamaraaan sa pagpuksa sa peste ng palay bilang isang pambansang alituntunin sa pangangalaga sa pananim. Ang IPM ayon sa mga dalubhasa ay isang konsepto ng paghahalaman na gumagamit ng mga mabisa at matipid na pamamaraan sa pagsasaka upang mabawasan ang hindi magandang epekto ng iisang paraan sa pagsugpo ng mga peste. Ang mga sumusunod na paraan sa pagpapatupad ng IPM ay isinusulong ng Philippine Rice Research Institute bilang isang konsepto ng paghahalaman, sa pagtutulungan ng mga magkakanayon:
a. Pagtatanim ng halamang matibay sa peste
b. Paraan ng pangangalaga
c. Pagbuhay sa mga likas na kaaway ng mga peste (sa pamamagitan ng mga kaibigang kulisap)
d. Pagtantiya sa dami ng mga peste sa pamamagitan ng Economic Threshold Levels (ETL) o sequential sampling upang malaman kung kailangang gumamit ng pestisidyo o hindi
Batay sa aklat na “Philippine Rice R&D Highlights 1998” ng Philippine Rice Research Institute, ang herbisidyo ay ginagamit bilang pamatay-damo ngunit patuloy itong nagtataas ng presyo kaya batay sa librong “Kamtin ang Agrikulturang MakaMASA” ng AFID, mas maiging gumamit ng pisikal/mekanikal na pamamaraan sa pagsugpo sa damo. Ang pisikal/mekanikal ay tumutukoy sa paggamas o paggahok sa pagitan ng mga tudling. Maaaring gumamit ng rotary weeder.
Ang iba pang solusyon sa mataas na gastusin sa pagsasaka ay nakuha sa aklat “Kamtin ang Agrikulturang MakaMASA“. Ayon sa nasabing libro, sa halip na gumamit ng threshing machine ay maaaring maggiik nang manu-mano o di kaya’y sa tulong ng hayop. Ang manu-manong pamamaraan ay maaaring sa pagyapak ng paa, pagpatpat, o paghampas ng inani sa tubo at solidong bagay. Sa paggamit ng paa, ang palay ay inilalagay sa sahig-giikan at niyayapakan. Nakagigiik ang isang tao ng 14.5 kilong butil sa loob ng isang oras. Sa paggamit ng hayop (kalabaw/baka), ang inani ay inilalagay na paikot sa isang haligi. Nakaharap sa haligi ang mga uhay. Upang magiik ang butil, marahang pinalalakad nang paikot ang dalawang kalabaw. Sa pagpatpat, nahihiwalay ang mga butil sa pamamagitan ng patpat na kahoy o kawayan. Isa pang paraan ang paghampas ng mga uhay sa isang matigas na bagay. Sa paraang ito, nakagigiik ng 20-60 kilong palay ang isang tao bawat oras. Isang uri ng mekanikal na panggiik ay ang modelong de-pedal. May kawad itong nakapaikot sa isang dram na tatanggal sa mga butil ng palay. Mura lamang ito at nakapaggigiik ang isang tao ng mga 1-2 sako bawat oras. Ang kaigihan sa threshing machine ay nagagawa nitong pagsabayin ang paglilinis at panggigiik ng palay. Ngunit hindi naman kinakailangan na gumamit ng nasabing teknolohiya sapagkat ang bilao, bithay na yari sa pinong kawad o sala-salang kawayan, at hungkoy ay pwede na. Ang dryer o makinang tuyuan ay talaga namang hirap bilhin o rentahan ng mga magsasaka. Kaya naman ang Agriculture & Fisheries Information Division ay nanghihikayat na ibilad ito sa araw subalit mawawalang saysay nga lang ito sa panahon ng tag-ulan. Ayon pa rin sa nasabing libro, sa paggiling ng palay ay kilalang ginagamit ang steelhuller at rubber roller. Ang steelhuller na kiskisan ay nakapagbibigay ng 60-62% bigas mas mababa sa rubber roller na nagbibigay 70% na bigas. Ang bagong anyong kiskisan na tinatawag na village rice mill ay nagbibigay-karagdagang giling na 8% ngunit gaya nga nang nabanggit nung una na hindi naman ito gaanong kinakailangan.
Interpretasyon
Batay sa mga nakalap na datos, nailahad na ang pagsasaka dito sa bansa ay nahaharap sa iba’t ibang suliranin. Ang pinakaproblema ay mataas na gastusin sa pagsasaka. Binatay itong pinaka problema sa mga solusyon na inilatag ng Agriculture & Fisheries Information Division dahil hindi maghahain ang huli ng solusyon kung alam nitong walang problema sa gastusin ng pagsasaka. Isang pahiwatig na masyado nang malaki ang nakokonsumong salapi sa pagsasaka. Nabanggit ng Agriculture & Fisheries Information Division na ang isinulat nila sa aklat ay mga tugon sa suliranin para makatipid sa patuloy na pagtaas ng mga kagamitan. Sinasabing ang mga kasangkapan ay bunga ng teknolohiya. Ilan sa mga nabanggit ay abonong kemikal, herbisidyo, threshing machine, dryer, village rice mill, at mas makabagong makinang pang-araro. Sinimulang gamitin ang makabagong kagamitan noong inilunsad ang Gintong Ani Program na ang gagamitin ay hybrid rice technology. Kung tutuusin ay mahal ang mga ito lalo na’t ang mundo ngayon ay umiikot sa teknolohiya kaya talagang maghihinaing ang mga magsasaka sa ganitong sitwasyon. Walang duda na kaya gumagamit ng teknolohiya ay para mapataas ang produksiyon ng bigas. Datapwat ang teknolohiya ay laging may kalakasan at kahinaan. Nakatutulong ang teknolohiya sapagkat napatataas nito ang produksiyon ngunit nabanggit sa libro ng Agriculture & Fisheries Information Division na ang paggamit nito ay may pinsalang naidudulot sa kapaligiran. Sa aklat na “Contribution to Philippine Agricultural Modernization” sinabi na ang bansa ay net importer hindi tulad ng dati na net exporter. Kataka-taka na kasalukuyang gumagamit ang bansa ng teknolohiya pero umaangkat ng bigas mula sa ibang bansa. Hindi ba’t kaya nga gumagamit ng teknolohiya ay para dumami ang produksiyon nang sa gayon ay huwag nang umangkat pa ng bigas? Panahon na para gamitin ang manggagawa ng bansa. Tutal ayon kay Dr. Santiago R. Obien na isang suliranin din ang mataas na bilang ng populasyon. Sa kasalukuyan ay marami ang walang trabaho at kung pakaiisiping mabuti ay magkakaroon sila ng papel sa sektor ng ekonomiya: ang pagsasaka. Makikita sa mga solusyon ng Agriculture & Fisheries Information Division na karamihan ay nangangailangan ng tao at hayop. Isang patunay ay ang paggiik. May mga teknolohiya nang ginagamit para rito sa dahilang pabilisin ang paggawa subalit ayon sa solusyon ng AFID ay makatitipid kung gagamit ng manu-manong pamamaraan o di kaya’y sa tulong ng hayop sa paggiiik ng palay. Batay sa “Kamtin ang Agrikulturang MakaMASA”, nakagigiik ang isang tao ng 14.5 kilong butil sa loob ng isang oras kung yayapakan ng paa. Sa panahon ngayon na marami ang populasyon at karamihan pa ay walang hanapbuhay, ito na ang pagkakataon nila. Kung sa teknolohiya na ginagamit para mapabilis ang paggawa ay wala itong pinagkaiba kung sabay sabay din gagawa ang mga manggagawa sa loob ng isang oras. Ibig sabihin ay kung marami ang manggagawang magsasaka ang magtatrabaho hindi lang sa paggiik di hamak na marami rin ang mapoprodyus na bigas. Pagkamasipag lamang ang kailangan. At kung isasabay din sa paggawa ng bigas ang mga hayop tulad ng baka at kalabaw tiyak na malaki rin ang naitutulong ng mga hayop na ito hindi lang sa paghihila ng makinang pang-araro o di kaya’y gamit sa transportasyon. Sa ganitong paraan ay napakikinabangan ang likas na yamang mayroon ang bansa na hindi gaanong gumagastos: yamang tao at yamang hayop.
Kongklusyon
Hindi sa lahat ng oras ay kailangan ng teknolohiya. Kung gagamit man ay dapat pantay lang. Ganito rin sa pagsasaka. Hindi lahat ng gawain sa pagsasaka ay iaasa sa teknolohiya bagkus ay kalabaw at taong masipag ay sapat na. Kailangan na paunlarin ang pagsasaka dahil ito ang pangunahing hanapbuhay ng mga magsasaka. Dito rin nakukuha ang pangunahing pagkain ng lipunan. Ang Pilipinas ay isang agrikulturang bansa at nararapat lang na bigyang pansin ng pamahalaan ang agrikultura sapagkat dito nakadepende ang ikaaangat ng ekonomiya. Kung nagawang itaguyod ang sarili ng mga ninuno na walang teknolohiya, posibleng makakaya rin ito sa kasalukuyan.
Rekomendasyon
Inirerekomenda ng mga mananaliksik na ipagpatuloy pa ang isinagawang pag-aaral. Palawakin ang pananaliksik sa pamamagitan ng paghahanap ng solusyon sa iba pang suliranin. Alamin din ang tugon ng pamahalaan sa mga binanggit na hamon sa pagsasaka.
Sanggunian:
Garcia, Danilo. “Agrikultura planong buhayin ni Bro. Eddie”. Pilipino Star Ngayon.
3 Marso 2010: 2.
National Irrigation Administration. (1990). A Comprehensive History of Irrigation
in the Philippines. Quezon City: National Irrigation Administration.
Agriculture & Fisheries Information Division. (1998). Kamtin ang Agrikulturang
MakaMASA. Quezon City: Agriculture & Fisheries Information Division.
Philippine Rice Research Institute. (1999). Philippine Rice R&D Highlights 1998.
Nueva Ecija: Philippine Rice Research Institute.
Zaide, Sonia M. (1994). The Philippines: A Unique Nation. Manila: All-Nations
Publishing Company, Incorporation.
OnePhilippines Uniting Filipinos Worldwide. Luna Siy. One Philippines Media and
Communication Group. 4 Mar. 2010
Philippine Rice Research Institute. (1998). Advances and Challenges in Hybrid
Rice Technology in the Philippines. Nueva Ecija: Philippine Rice Research Institute.
Etolle, Nestor. “Farm group bats for higher DA budget”. The Philippine Star. 21
Pebrero 2010: B-4.
Cabanilla, Liborio S. ed., Mario G. Andrada ed., at Liberty O. Inciong ed.
(2006). Contribution to Philippine Agriculture Modernization. Makati City: Fulbright-Philippine Agriculture Alumni Association.
Barile, Dolores P. ed., Harold R. Cushman ed., at Severino R. Santos, Jr. ed.
(1973). Teaching Vocational Agriculture in the Philippines. Laguna: University of the Philippines.
Pasasalamat
Nais naming pasalamatan ang lahat ng tumulong para ganap na matapos ang pananaliksik. Kung hindi dahil sa kanila, wala ang proyektong ito. Sila ay ang mga sumusunod:
Ang aming magulang, salamat sa tamang paggabay at pagpapalaki ng maayos na anak pati na rin sa tulong pangpinansiyal.
Mga malalapit naming kaibigan, salamat sa pagsuporta at dahil diyan napatunayan namin na tunay kayong kaibigan.
Sa aming guro, salamat sa pagsuporta, pagtulong, at paggabay upang mapagtagumpayan ang isinagawang pananaliksik.
Sa Poong Maykapal, Siya ang bukod tanging nagbigay buhay sa lahat dito sa mundo. Siya rin ang nagbibigay lakas loob sa tuwing susuko at natutukso ang Kanyang mga anak.
Sa kanilang lahat, kami ay buong pusong nagpapasalamat at nawa’y pagpalain tayong lahat!